-- Advertisements --

Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na bubuo sila ng sariling grupo ng cyber warriors bilang pangontra sa mga cyber terrorist.

Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Marine Col. Edgard Arevalo, kanilang napagdesisyunan ito matapos ang Cybersecurity Summit sa Camp Aguinaldo.

Sinabi ni Arevalo na ang summit na isinagawa ay sa pakikipagtulungan ng mga partner mula sa information and communications technology sector.

Layon nito na tugunan ang mga bagong banta sa cybersecurity.

Ang nasabing summit ay pinangununahan ng The Office of the Deputy Chief of Staff for Communication Electronics and Information System.

Bukod sa mga IT expert mula sa mga major service commands at pribadong sektor, kalahok din ang mga IT specialist mula sa coast guard at Philippine National Police.

Kabilang sa mga highlight ng summit ang paglatag ng cyber security roadmap na layong gawing fully capable ang AFP na makipaglaban hindi lamang sa ground, air at sea, kundi maging sa cyberspace pagdating ng 2022.

Paliwanag ni Arevalo, kailangang sabayan ng AFP ang mga makabagong pamamaraan upang mapanatili ang kanilang superiority sa mga kalaban.