-- Advertisements --

Nagbabala si Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Ivan John Uy laban sa mas malawak at mas maraming cyberattacks sa susunod na taon.

Ayon sa kalihim, tuloy-tuloy ang pagdami ng mga cyberattack at siguradong mas malalakas na ang mga pag-atake sa susunod na taon.

Hindi aniya ito nangyayari sa Pilipinas lamang kungdi maging sa iba pang mga bansa, lalo na at napakarami ng mga cyber criminals mula sa ibat ibang bahagi ng mundo.

Dahil dito, kailangan aniya ng mas malawak na monitoring at regular na na security check upang matiyak na hindi nalulusutan ng mga kriminal.

Ayon pa sa kalihim, marami na ring mga naarestong cybercriminals sa pamamagitan ng tulong ng law enforcement ngunit marami pa rin ang mga nae-enganyo dahil sa malaking kikitain.

Sa katunayan, posible aniyang pumalo sa $2 trillion ang halaga ng mga cyberattacks sa Association of Southeast Asian Nation sa susunod na taon.

Babala pa ng kalihim, nagawa na rin ng mga cybercriminals na mapataas ang kalidad ng kanilang mga ginagamit sa pag-atake, kayat tiyak na magiging mas matindi pa ang mga ilulunsad na atake sa mga susunod na taon.