Ipinahayag ngayon ng Philippine National Police na isa ang cybercrime security ng Pilipinas sa mas tututukan nito ngayong taong 2023.
Ito ay sa gitna ng muling paglaganap ng cybercrime sa bansa na maraming mga Pilipino na ang nabibiktima.
Ayon kay PNP Public Information Office acting chief, PCol. Redrico Maranan, sa kasalukuyan kasi ay dalawang uri na ang binabantayang crime environment ng pulisya kabilang na ang actual, at cyber space na hindi lamang problema sa ating bansa kundi pati na rin sa buong mundo.
Kasabay kasi aniya ng paglawak ng makabagong teknolohiya sa daigdig ay ang transition din ng mga mapagsamantalang kriminal na gumagawa ng mga ilegal na gawain gamit ito.
Ito ang dahilan kung bakit patuloy na mas pinalalakas ngayon ng pambansang pulisya ang pagsugpo sa nasabing makabagong krimen.
Sa katunayan pa nga aniya nito ay tinalakay din ang nasabing usapin sa cybercrime sa dinaluhang International Criminal Police Organization meeting nito sa ibang bansa kung saan niya kasama ang iba’t-ibang heneral ng ibang mga bansang miyembro ng nasabing organisasyon.
Samantala, bukod dito ay muli din tiniyak ng buong hanay ng Kapulisan na magpapatuloy din ang kanilang isinasagawang paghihigpit sa pagbabantay para sa kaligtasan at seguridad ng taumbayan.