-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Puspusan na ang paghahanda ng mga residente ng Bangladesh sa posibleng epekto ng Cyclone Amphan sa lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Adnim Salim, Pilipinong naninirahan ngayon sa Chittagong, Bangladesh, unti-unti na umanong nararanasan ang makumlimlim na panahon sa lugar na sinasabayan ng mahinang pag-ulan.

Ayon sa meteorological agency sa naturang bansa, maaaring maranasan ang hagupit ng bagyo dakong tanghali.

Kaugnay nito, aabot sa kalahating milyong katao na umano ang inilikas sa lugar partikular na ang mula sa mga coastal areas.

Dagdag pa ni Salim na nasa higit 4,000 cyclone centers ang ipinagamit sa mga inilikas, na kinabibilangan ng mga school at government buildings.

Itinuturing umano kasing hamon ang naturang bagyo sa pagtitiyak na masusunod pa rin ang social distancing dahil naman sa coronavirus disease, kahit na sa cyclone centers.

Nabatid na pumapalo na sa 25, 000 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa naturang bansa.