Nagalit si Senadora Cynthia Villar sa Department of Agriculture (DA) sa pagdinig ng Senado hinggil sa monopolyo ng supplier sa African Swine Fever.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform, nag-init din ang ulo ni Villar matapos na isnabin ng mga matataas na opisyal mula sa DA at Bureau of Animal Industry (BAI) ang pagdinig.
Kinwestiyon ni Villar kung bakit tanging si Assistant Secretary Constante Palabrica, isang opisyal ng DA para sa mga hayop lamang ang dumalo sa Senado.
Iginiit ni Villar, nakababahala ang patuloy na paglala ng kaso ng ASF kung saan laganap sa probinsya at maraming apektado ng sakit ng baboy.
Ginisa ng senadora ang BAI kung bakit tila isang supplier lang ng ASF vaccines ang kanilang pinapaboran.
Ang Vietnam-manufactured AVAC vaccine ay ang tanging brand na nag-apply para sa pagpaparehistro ng produkto sa Pilipinas.
Nagsimula ang paglulunsad nito noong Agosto 30.
Sinabi ni Villar na ang AVAC vaccine ay hindi tinatanggap sa buong mundo gayong hindi ito ginagamit sa US.
Ipinaliwanag ni Dr. Samuel Zacate ng Food and Drug Administration (FDA) na ang BAI at ang supplier ng bakuna ay nagsagawa na ng mga clinical trials noong nakaraang taon at inaprubahan na para sa rollout ng gobyerno.
Kaya naman inutusan ni Villar ang FDA na isumite ang clinical trial sa Senado para malaman ng taumbayan.
Tanong pa ng senadora, kung may bakuna bakit tila aniya lumalala pa ang mga probinsyang apektado ng ASF.
Sa datos, ayon kay Villar, noong Disyembre 2022, nasa apat na rehiyon, siyam na lalawigan, 27 munisipalidad, at 90 mga barangay ang apektado ng ASF.
Ngunit nitong Agosto lamang ay lumobo pa sa 15 rehiyon habang 458 na mga barangay ang paektado ng naturang sakit.