-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Labis ang pasasalamat ng 20 hog farmers ng Kabacan Cotabato na nakatakdang tumanggap ng sentinel pigs mula sa Department of Agriculture of DA-12 ngayong linggo.

Ayon kay Municipal Agriculturist Tessie Nidoy, ang nasabing mga magba-baboy mula sa mga barangay ng Cuyapon, Lower at Upper Paatan, Malanduague, Katidtuan, Malamote, Dagupan, Bangilan at Bannawag ang nakakumpleto ng Bio-security Level 1 na una nang ipina-comply ng kanilang tanggapan sa mga hog farmer na naapektuhan ng African Swine Fever o ASF.

Paglilinaw naman ni Kabacan Veterinarian Dr. Louise Faith Mosquera na ang pamamahagi ng sentinel pigs ay hindi pa hudyat upang muling simulan ang pag-aalaga ng baboy sa bayan.

Aniya, 40 araw matapos maibahagi ang sentinel pigs, muling kukuhanan ng blood sample ang mga ito at kung negatibo ang resulta, mag-eendorso ang Municipal Agriculturist Office sa Bureau of Animal Industry na gawing “pink”, mula sa “red zone” ang Kabacan sa epekto ng ASF.

Kung may sentinel pigs naman na mag-popositibo sa ASF blood sample, mas hahaba ang panahon ng paghihintay para muling mag-alaga ng baboy sa bayan.

Dagdag naman ni DA-12 Livestock Focal Person Kirby Joy Garcia, maliban sa MOA signing para sa sentinel pigs, ibinahagi na rin ang feeds at disinfectants para sa mga hog farmer.

Nagpasalamat naman si Kabacan Mayor Evangeline Pascua-Guzman sa pagsisikap ng mga kawani ng MAO at suporta ng DA-12 sa hog farmers ng bayan upang muling pasiglahin ang hog industry ng Kabacan.