KORONADAL CITY – Nagbabala sa ngayon ang tanggapan ng Department of Agriculture (DA) region 12 sa publiko laban sa mga scammers na gumagamit ng kanilang tanggapan upang makapangolekta ng pera.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Mr. Edgar Pasaol, Information Officer III ng Department of Agriculture (DA) region 12, sinabi nito na kailangan na mag-ingat sa mga manloloko na nagpapakilalang opisyal o empleyado ng kanilang tanggpan.
Nilinaw din ni Pasaol na hindi naniningil ang DA-12 sa mga magsasaka ng anumang charges para sa Agricultural Credit Policy Council o ACPC upang makapagproseso ng mga aplikasyon ang sinuman.
Dagdag pa ng opisyal, ang kumukuja lamang ng service charge ay ang mga partner lending conduits o PLCs at hindi mismo ang mga staff ng kanilang tanggapan.
Kaugnay nito, pinayuhan nito ang mga mamamayan na kailangang siguruhin na lehitimo ang kanilang mga nakakausap mula sa ahensiya.
Napag-alaman na maraming mga scammers ngayon ang mapagsamantala na naglilibot upang makakolekta ng pera sa mga magsasaka o sinuman gamit ang ahensiya.
Kaugnay nito, nanawagan din si OIC Regional Executive Director John Pascual na agad ireport sa kanilang tanggapan o sa mga otoridad ang sinumang naniningil ng pera kapalit ng pagpaaprehistro sa anumang programa ng Department of Agriculture.