LEGAZPI CITY – Nagpaalala ang Department of Agriculture (DA) sa mga nasa backyard hog raising na doblehin ang preventive measures upang makaiwas sa anumang nakakahawang sakit ang mga alagang hayop.
Napag-alaman na 70% ng mga nag-aalaga ng baboy sa Bicol ang backyard hog raisers.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DA Bicol spokesperson Emily Bordado, pinaka-vulnerable ang mga baboy na ito na kulang sa bio-safety kung ihahambing sa commercial hog raisers.
Dapat umanong mas maging maingat ang may-ari ng babuyan sa pag-obserba at pagmonitor sa mga sintomas ng sakit sa baboy.
Abiso pa rin ang mahigpit na kampanya sa BABES o Ban Pork Imports sa mga may kumpirmadong kaso; Avoid swill feeding; Block entry sa international ports; Educate sa mga tao at Submit samples para sa pagsusuri.
Samantala, hiling naman nito ang kooperasyon ng mga lokal na pamahalaan sa pagbabantay sa movement ng mga live hogs at processed meat products.