Napagkasunduan ng Department of Agriculture (DA) at Bureau of Customs (BOC) ang sharing of data hinggil sa traded agricultural commodities.
Ito ay matapos na pormal nang lagdaan ng dalawang ahensya ang Data Sharing Agreement (DSA) upang mapadali ang pagpapalitan ng datos sa mga ipinagkalakal na produkto ng agrikultura, lalo na sa mga hindi patas na trade practices at pagdami ng mga iniimport na produkto sa bansa.
Ang Data Sharing Agreement ay pinamamahalaan ng Data Privacy Act ng Pilipinas, ito ay isa sa mga inisyatiba na ginawa sa pagitan ng DA at BOC upang matiyak na ang local agri-fishery products ay mananatiling mapagkumpitensya sa mga imported na counterparts nito.
Ayon sa DA, ang naturang inisyatiba ay makatutulong sa mga ahensya upang makapagbahagi ng critical at intelligence information at agad itong maaksyunan ng bawat ahensya.
Pinagtitibay din anila nito ang kanilang koordinasyon sa iba’t-ibang inspection at control procedures upang masiguro ang food safety at koleksyon ng tamang halaga ng mga tungkulin sa customs, bukod pa sa iba pang mga mutual benefits nito.
Samantala, pinuri naman ni DA Secretary William Dar ang hakbang na ito at sinabi na ang kapani-paniwala at napapanahong impormasyon ay mahalaga sa paggawa ng mga patakaran, lalo na ngayong digital age.
Tiniyak naman niya na gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya upang maipatupad ito kasama ang mga katuwang na ahensya, dahil tungkulin niya raw na pangalagaan ang kapakanan ng mga kababayan nating magsasaka at mangingisda na kapwa mga nagsisilbing mga frontliner sa industriya ng pang-agrikultura.
Malugod namang tinanggap ni BOC Commissioner Rey Leonardo Guerrero ang inisyatiba at binigyang-diin ang partnership na ito sa pagitan ng DA at BOC.
Siniguro din niya na ang BOC ay maaasahang katuwang sa pagtiyak na ang implementasyon ng mga hakbang sa mga produktong pang-agrikultura ay susuportahan ng solido at mga napapanahong impormasyon.