-- Advertisements --

Nagbabala ang Department of Agriculture (DA) sa mga tindera tungkol sa pagbebenta ng mga smuggled na mga gulay sa merkado at pati na rin sa kanilang mga labeling issues.

Sa naging pagiikot kasi kanina ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. kasama sina Department of Trade and Industry (DTI) Assistant Secretary Agaton Teodoro Uvero at Alkalde ng Pasay Mayora Emi Calixto-Rubiano, ay may mga nakita at napansing mga mali sa labelling at ilang mga produktong gulay ang hindi umano’y mga smuggled lamang.

Ani Laurel, kapansin pansin ang mga mali sa packaging ng mga gulay na ang ilan ay nahuling nasa chinese characters pa.

Hindi rin aniya nagisyu ang Bureau of Plant Industry (BPI) ng SPS import clerance sa mga naturang produkto gaya ng onion sticks, chinese yam, brocolli at sili mula sa China.

Aniya, ang mga ito ay nagpapakita lamang na hindi dumaan sa tamang proseso ng importation ang mga ito at mga smuggled goods mula sa labas ng bansa.

Dahil dito, magsasagawa umano ng imbestigasyon ang departamento ng DA para mahanap ang pinaka-pinagkukunan ng mga naturang produkto at ang main source nito.

Kasunod nito ay gagawa din aniya ng hakbangin ang DTI para mahanp ang pinakaugat ng mga smuggled goods.

Maghahain din aniya ng warning ang ahensya sa mga tindera na makikitaan pa rin ng mga ganitong produkto.

Samantala, suhestiyon din ng parehong departamento na makipagtulungan sa Bureau of Customs (BOC) para maiwasan ang mga smuggled items na makapasok sa merkado.