-- Advertisements --

Balak ng Department of Agriculture (DA) na isabak sa Quinta hearing ng Kongreso ang mga retailers na nananatiling matigas ang ulo sa pagsunod ng itinakdang maximum suggested retial price (MSRP) kung patuloy na magmamatigas ang mga ito.

Batay kasi sa datos ng departamento, nasa 30% pa rin ang bilang ng mga retailers na sumusunod sa ipinatupad na MSRP’s lalo na sa mga produktong baboy.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., balak nilang hilingin kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na imbitahin sa committee hearing ang mga retailers na magmamatigas pa rin at hindi susunod sa itinakdang MSRP sa mga karne ng baboy lalo na kung nakikitang kakailanganin ito.

Ito ay para tuluyan nang mapasunod ng ahensya ang mga ito at ipatupad kung ano ang kanilang napagusapan sa mga naging dayalogo na naganap sa tanggapan ng DA bago pa man ang mismong implementasyon ng MSRP sa mga karneng baboy.

Ani pa ng kalihim, disappointed aniya ang kanilang panig dahil sa pagsuway ng ilang bahagi ng industriya sa napagusapang presyo.

Pinagtrabahuhan kasi at talagang inusisa din aniya ang mga isyu na kaakibat ng itinalagang MSRP sa mga produktong baboy kaya naman panawagan ni Tiu Laurel sa pork stakeholders, kung may napagusapan sana ay agad itong sundin at huwag na sanang umabot pa sa punto na magkakasampahan pa aniya ng reklamo dahil sa mga paglabag.

Nagsagawa namang muli ng dayalogo ang departamento kasama ang ilang bahagi ng pork industry para talakayin ang dahilan kung bakit hindi pa rin sumusunod ang ilan sa napagusapang presyo.

Layon ng pagpupulong na alamin kung saan nga ba sa industriyang ito ang pinaka dahilan ng isyu sa presyo at nang mabigyan agad ito ng resolusyon.