-- Advertisements --

Inilatag na ng Department of Agriculture (DA) ang kanilang tunay na plano kung bakit sila nagpatupad ng P58/kilo na maximum suggested retail price (MSRP) sa mga imported na bigas.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., dahil napansin nila sa kanilang mga naging sunod-sunod na pagiikot sa mga public markets ang pagsunod ng mga retailers sa itinakdang MSRP, inanunsyo niya matapos magikot sa Pasay na pagpatak ng Pebrero 5 ay ibababa na sa P55/kilo ang mga imported premium rice sa mga pamilihan.

Sa mga susunod na linggo naman ay ibaba sa P52/kilo hanggang sa inaasahang pagpasok naman ng Marso ay ibababa sa mas mababa pa sa P50/kilo ang mga imported na bigas sa merkado. Ito aniya ay kapag nanatili sa stable na mga presyo ang global prices ng naturang produkto

Habang ang ilang stakeholder naman ay nananawagan para sa mas agarang at mas malaking pagbabawas, ipinaliwanag ni Laurel na ang layunin ng gobyerno ay maiwasan ang pag-destabilisa ng industriya ng bigas.

Giit niya, may nakalatag na plano ang ahensya at hindi basta-basta ang implementasyon nito dahil sa napakaraming dahilan. Isa na dito ay iniiwasan aniya ng departamento na biglain ang merkado sa biglaang pagbaba sa presyo ng bigas sa mga pamilihan. Aniya, maaring maapektuhan ang mga may hanap-buhay, mga nagnenegosyo at maaaring hindi sumunod ang mga retailers kung biglang ibababa sa P49/kilo ang mga imported rice sa mga palengke.

Ang pagaanunsyo naman ng naturang plano ay para makapagbigay din ng sapat na oras sa mga retailers na mag-unload ng kanilang mga stocks at magsagawa ng renegotiation sa kanilang mga suppliers para tuluyang maabot ang MSRP goal sa Marso.

Samantala, sinabi rin ng kalihim ng na kapag natapos na ang mga panuntunan sa labelling ng bigas, na kasalukuyang tinatrabaho kasama ang Department of Trade and Industry (DTI) magkakaroon na din aniya ng MSRP sa bawat uri ng bigas.