-- Advertisements --

Dinipensahan ng Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) ang polisiya nito na pansamantalang ipagbawal ang pangingisda sa partikular na panahon para sa konserbasyon ng marine resources.

Sa isang statement, sinabi ng ahensiya na pinagtitibay nito ang kanilang commitment sa closed fishing season na inilarawan nito bilang isang critical conservation measure.

Ayon sa DA, layunin ng polisiya na ma-replenish ang stock na isda at magkaroon ng pangmatagalang seguridad sa pagkain para sa bansa.

Sa ilalim kasi ng closed fishing policy, pinagbabawal ang malakihang paghuli ng isda sa mahahalagang fishing grounds mula Nobiyembre hanggang Marso.

Ipinaliwanag din ni Agriculture Secretary Francisco Laurel Jr. na ang fishing ban ay sumusuporta pareho sa mga mangingisda at konsyumer sa pamamagitan ng pagsiguro ng tuluy-tuloy na produksiyon ng mga isda.

Saad pa ng kalihim na ang importasyon ay tumutugon sa pansamantalang puwang sa suplay dulot ng closed fishing season o ng mga tumamang bagyo sa bansa. Hindi din aniya ito pamalit sa lokal na produksiyon ng isda kundi pandagdag para mapanatiling stable ang mga presyo.

Ginawa ng ahensiya ang paglilinaw matapos ang pagbatikos sa polisiya na maaaring makadehado ito sa maliliit na mangingisda at makabenepisyo lamang sa mga importer.