-- Advertisements --

Binabantayan ng Department of Agriculture ang epekto ng bulkang Kanlaon sa kabuhayan ng mahigit 16,000 magsasaka sa Negros Island Region.

Ang mga ito ay mula sa limang lugar sa Negros Island na kinabibilangan ng Canlaon City, La Carlota City, La Castellana, Bago City, at Murcia.

Batay sa datus ng DA, umabot na sa 7,171 magsasaka ang apektado sa Canlaon City sa Negros Oriental habang 8,841 ang apektado sa La Carlota City, La Castellana, Bago City, at Murcia sa Negros Occidental.

Ayon sa DA, maliban sa pagtulong sa mga magsasaka ay kailangan ding matiyak ang kanilang kaligtasan, kasama na ang kanilang mga alagang hayop.

Una nang pinayagan ng Office of the Civil Defense ang pagpasok muli ng mga magsasaka sa extended danger zone para makapag-ani at magawa ang iba pang farming activities sa palibot ng bulkan ngunit sa ilalim ng mahigpit na supervision.

Ayon sa DA, regular na tinutungo ng mga DA field officer ang mga naturang lugar upang ma-monitor ang farming activities at agad mabigyan ng abiso ang mga ito.

Isa sa mga pangunahing binabantayan ng ahensiya ang mga evacuation area para sa mga hayop na inilikas mula sa danger zone. Dinadalhan ang mga ito ng mga gamot, malinis na tubig, feeds, at iba pang pangangailangan.