-- Advertisements --

Binalaan ng Department of Agriculture (DA) ang mga nagbebenta ng napakamahal na presyo ng karneng baboy na pumapalo ng P450 kada kilo hanggang P480 kada kilo sa mga palengke.

Ayon kay Agriculture spokesperson ASec. Arnel de Mesa, magi-ikot sila at pupuntahan ang mga lugar na nagbebenta sa napakataas na presyo sa mga karne ng baboy at sisitahin ang mga ito.

Aniya, base sa inisyal na konsultasyon sa hog industry stakeholders, lumabas na hindi resonable ang mga presyo.

Batay kasi sa DA-Bantay Presyo, noong Pebrero 15, ang mga presyo ng karneng baboy ay nananatiling mataas sa Metro Manila na nasa P380 hanggang P480 kada kilo para sa pork liempo habang nasa P350 hanggang P420 kada kilo naman para sa pork kasim.

Samantala, para matugunan ang mataas na presyo sa baboy, nauna ng sinabi ng DA na posibleng mag-come up ito ng manufacturer’s suggested retail price (MSRP) sa Marso para makatulong na mapahupa ang pagsipa ng presyo ng karneng baboy.

Tinitignan din ng ahensiya ang posibilidad ng pagbebenta ng mas murang karne ng baboy bilang alternatibong opsiyon sa mga konsyumer.