-- Advertisements --

Nangako si Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na hahabulin ang mga taong nasa likod ng ipinuslit na shipment ng mga frozen mackerel na tinatayang nagkakahalaga ng P202 million.

Nadiskubre ang mga ipinuslit na produkto sa dalawang container van sa South Harbor, Port of Manila kasunod na rin ng inspection na isinagawa ng DA’s Bureau of Plant Industry (BPI) at iba pang ahensiya.

Unang idineklara ang mga ito bilang plant-based commodities tulad ng taro sticks, sweet potato balls atbpang assorted item

Ayon sa kalihim, magtutulungan ang DA, Bureau of Customs (BOC) at FDA (Food and Drugs Administration) para habulin ang mga smugglers at iharap ang mga ito sa korte.

Ang ginawang pagpuslit ng mahigit P200 million na halaga ng mga agri product ay pasok na aniya sa Anti-Economic Sabotage Act.

Sa ilalim ng naturang batas, kapag lagpas sa sampung million ang halaga ng mga ipinuslit na produkto ay non-bailable na ito.

‘More than two hundred million (P200,000,000) at ten million (P10,000,000) lang ang na value, ay non bailable na ‘yon. Talagang hahabulin natin, ng Bureau of Customs at ng Food and Drugs Administration itong mga proprietors na’to will bring them the justice,’ ani Tiu Laurel Jr.

Ayon naman kay BOC Commissioner Bienvenido Rubio, ang mga naturang shipment ay ipinadala sa Straradava Household Products Co. Ltd at Fendee Consumer Goods Trading.

Ang ginawang misdeclaration aniya ay isa nang paglabag sa batas, habang patong-patong na kaso ang maaari pang kaharapin sa ginawang smuggling o pagpupuslit ng milyon-milyong halaga ng mga produkto.

‘Na diskubre po natin mayroong nag attempt (na) paparating, (na) nineteen (19) forty-foot containers of frozen Mackerel but were mis declared as frozen white taro,’ ani Rubio.

Unang naideklara na nanggaling ang mga naturang produkto sa China, batay na rin sa naunang deklarasyon.

Ayon kay Rubio, isinasagawa na rin ng BOC ang tuloy-tuloy na pagsisiyasat sa ginawang pagpupuslit sa mga naturang produkto, gamit ang pantalan ng bansa.

‘As per declaration and as per, makikita naman natin sa findings. Galing po ito sa China, ang value estimated natin is more or less around two hundred millio (P200,0000,000),’ pagkumpirma ni Rubio.