Binalaan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang mga rice importer na gamitin na ang hawak na Sanitary and Phytosanitary Import Clearance (SPSIC) sa loob ng 60 days.
Ang naturang clearance ay ibinibigay ng Bureau of Plant Industry sa mga importer upang mag-angkat ng bigas para ibenta sa mga merkado sa bansa.
Babala ni Laurel Jr, naghihintay ang mga sanction para sa mga trader na bigong gamitin ang kanilang mga import clearance.
Ginawa ng kalihim ang babala kasunod ng mga natanggap na report kung saan maraming importer ang umano’y bigong gumamit sa kanilang mga permit, ilang buwan mula nang ilabas ito ng BPI.
Ayon sa kalihim, ang hindi paggamit sa mga nakuhang permit ay posibleng maka-apekto sa supply at stock ng bigas sa bansa.
Dahil dito, tiyak aniyang papatawan ng DA ng mga sanction o penalty ang mga importer na tumatanggi pa ring gagamit nito gayung malaya na silang makapag-angkat ng bigas.
Mula noong Enero 2024 hanggang Aug 22, mayroon nang 2.7 million metriko tonelada ng bigas na pumasok sa Pilipinas. Ginamit dito ang hanggang 3,723 SPICS.