Dinipensahan ni Agriculture Secretary William Dar ang opisyal ng Bureau of Plant Industry (BPI) na inakusahang sangkot umano sa extortion at smuggling ng mga gulay sa bansa.Ayon kay Dar ang naturang complaints laban sa opisyal ay nadismissed na.
Sa nagpapatuloy na House inquiry kaugnay sa smuggling ng mga agricultural products sa bansa, sinabi ni Wilma Ocampo ng Cambridge Cooperative na may ilang BPI employees sa ilalim ng nagngangalang Jesusa Ascutia ang nagtangka umanong mangikil ng kalahating milyong piso mula sa kanilang grupo para mairelease ang kanilang inangkat na mga gulay mula sa mga pantalan.
Subalit sinabi ni Dar sa isang statement na sa kanilang masusing imbestigasyon sa naturang usapin, kanilang siniyasat ang complaint at administrative records ni Ms. Jesusa Ascutia ng Bureau of Plant Industry Quarantine Office na siyang inaakusahan ng extortion ng Cambridge.
Depensa ni Dar na ang extortion complaint na inihain ng Cambridge ay dinismiss na ng Manila City Prosecutor’s Office dahil sa kawalan ng ebidensiya.
Bilang tugon naman sa naturang akusasyon, ipinaliwanag ng DA-BPI na inangkat ng cooperative ang sariwang gulay mula sa China na itinuturing na iligal sa Pilipinas. Iginiit din ng ahensiya na tanging ang frozen vegetables lamang ang pinapayagan sa bansa.
Kinatigan naman ng Civil Service Commission si Ascutia dahil sa kakulangan ng merito para sa kaniyang reassignment at ipinag-utos ang kaniyang reinstatement sa BPI.
Sa kabila nito, naninindigan naman si Agri Sec Dar sa polisiya ng kagawaran laban sa korupsyon.
Umapela din ito sa publiko at agriculture stakeholders partikular sa mga mat transaksyon sa DA regulatory agencies na lumantad kapag may nalalamang anumang misconduct lalo na ang korupsyon at magpresenta ng ebidensiya upang ito ay agad nilang maaksyunan.