Ipinag-utos na ni Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang pamamahagi ng karagdagang NFA rice para sa mga lokal na pamahalaang apektado ng pananalasa ng bagyong Kristine.
Sa Palace situation briefing ngayong araw, sinabi ng kalihim na magsisilbi itong paghahanda para sa pagpasok pa ng posibleng bagyo sa Philippine Area of Responsibility nitong weekend.
Nakatulong din aniya ang maagang pag-ani sa mga palay sa iba’t ibang rehiyon para mabawasan ang kabuuang pinsala sa sektor ng agrikultura dahil sa pinsalang iniwan ng bagyong Kristine.
Tiniyak din ng kalihim kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may sapat na suplay ng bigas kasunod ng pagbili ng NFA ng palay mula sa mga lokal na magsasaka noong nakalipas na anihan.
Mayroon din aniyang mga nakatalagang Kadiwa stores sa Camarines Sur at kasalukuyan ng ipinapamahagi ang NFA rice na binili ng mga lokal na pamahalaan.
Samantala, nauna ng sinabi ng National Food Authority na may sapat na stock ng bigas sa buong bansa na magtatagal ng 6.5 days at katumbas ng 4.3 million bags ng NFA rice.