-- Advertisements --

VIGAN CITY – Paiigtingin pa umano ng Department of Agriculture (DA) ang pakikipag-ugnayan ng kanilang tanggapan sa Bureau of Customs (BOC) upang masawata ang mga nagpapasok ng mga smuggled na karne at prok products mula sa ibang bansa.

Ito ay bahagi pa rin ng mga hakbang ng DA upang mapuksa at maiwasang kumalat pa sa ibang bahagi ng Pilipinas ang African Swine Fever (ASF) virus dahil nakapagtala na ang ahensya ng mga kaso nito sa Southern Luzon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Agriculture Sec. William Dar na isa sa mga napag-aralan nilang posibleng rason ng pagpasok at pagkalat ng ASF sa Pilipinas ay dahil sa mga misdeclared at smuggled na mga produkto na naipupuslit sa mga ipinapadalang bagahe o kontrabando.

Bagama’t mayroon nang napagkasunduan noon ang DA at BOC, sinabi ni Dar na kailangan umanong doblehin ang pag-check sa mga nakakapasok na kargamento upang matiyak na walang nakatagong karne ng baboy o pork at frozen products na posibleng kontaminado ng ASF.

Maaalalang isa rin sa mga itinuturong rason ng pagkalat ng ASF ang pagbibiyahe sa mga karne at pork products mula sa mga lugar na apektado ng virus patungo sa mga probinsiya o sa iba’t ibang panig ng bansa.