Nangako si Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel na magbibigay ng buong suporta sa mga mangingisdang Pilipino kasabay ng paglulunsad ng Livelihood Activities to Enhance Fisheries Yields and Economic Gains from the West Philippine Sea (LAYAG-WPS) sa Subic, Zambales kahapon, araw mg Martes, Abril 16 .
Layunin ng LAYAG-WPS na pahusayin ang kalidad ng buhay ng mga Filipino fishing community na nasa West Philippine Sea sa pamamagitan ng paggamit ng masaganang yaman ng pangisdaan at pagtataguyod ng mga pagkakataon sa sektor ng fisheries bilang kabuhayan sa mga rehiyon ng MIMAROPA, Gitnang Luzon, at Ilocos region.
Sa paglulunsad ng programa, itinurn-over ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa piling asosasyon ng mangingisda mula sa Central Luzon at Ilocos Region ang 62-footer Fiber Reinforced Plastic (RFP) vessels na kumpleto sa modernized fishing equipment.
Nagbigay din sila ng livelihood inputs tulad ng gillnets sa humigit-kumulang 100 mangingisda, habang 50 kababaihang mangingisda ang sumailalim sa post-harvest training at nakatanggap ng post-harvest implements.
Nangako rin si BFAR Director Demosthenes Escoto na iempower ang mga mangingisdang Pilipino sa pamamagitan ng mga programa ng gobyerno para mapabuti ang kanilang buhay.