-- Advertisements --
agriculture

Nilinaw ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral dahil maaga siyang naging ama sa edad na 19 anyos.

Ginawa ng kalihim ang paglilinaw matapos lumabas ang ilang reports na nagsasabing nagtapos si Laurel sa University of Santo Tomas (UST) o anumang institusyon sa higher education.

Paliwanag ng kalihim, kinailangan nitong magbanat ng buto para suportahan ang kaniyang unang anak dahil gaya ng turo ng kaniyang ama, dapat unahin ang kaniyang responsibilidad bilang isang padre de pamilya.

Sa halip na makapagtapos ng pag-aaral, tumulong si Laurel sa pagpapatayo ng flagship company ng kanilang pamilya na Frabelle mula sa simpleng fishing operation hanggang sa ito’y lumago na bilang isang malaking korporasyon.

Tulad din ng marami, nangarap din ang kalihim na makapagsuot ng toga at makatanggap ng diploma subalit hindi aniya ito para sa kaniya.

Sa halip ang dagat ang kaniyang naging unibersidad, ang mga karanasan niya sa buhay ang nagturo sa kaniya ng halaga ng pagsusumikap, ang kaniyang mga anak ang nagbigay sa kaniya ng lakas ng loob at inspirasyon para makamit kung nasaan man ito ngayon at ang magandang kapalaran na mayroon siya ngayon ay kaniyang tinatamasa dahil sa grasiya ng Diyos.

Matatandaan na noong Nobiyembre 3 nang itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Laurel bilang bagong kalihim ng DA na hinawakan ng Pangulo sa loob ng isang taon.