CAGAYAN DE ORO CITY – Umapela ang Department of Agriculture (DA) sa mga local government units na magkusa nang kumilos upang masugpo ang African Swine Fever (ASF) outbreak sa bansa.
Pahayag ito ni DA Sec. William Dar matapos nitong pulungin ang Northern Mindanao Hog Raisers Association at ilang local officials ng Misamis Oriental kaugnay sa isyu ng ASF.
Inamin ni Dar, nasa P1.5-bilyon lamang ang inilaang pondo para sa national live stock program ng ahensiya kaya kulang na kulang daw ito upang magamit sa mga probinsya o siyudad na maaapektuhan ng outbreak.
Dagdag ng kalihim, hindi umano kakayanin ng kagawaran ang pagtugon sa lahat ng pangangailangan ng bawat LGUs kaya hiningi nito ang kooperasyon ng mga ito para mas maging epektibo ang paglipol sa virus.