-- Advertisements --

Doble kayod ngayon ang Department of Agriculture para maabot ang target na 20.4-M metric tons rice production ngayong taon.

Ito ay ginagawa ng ahensya bilang tugon sa datos ng Philippine Statistics Authority kung saan lumalabas na nagkaroon ng pagbaba sa palay production noong 2024.

Sa isang pahayag ay sinabi ni Agriculture Spokesperson Asec. Arnel de Mesa, kumbensido ang DA na maaabot ang kanilang target na produksyon ng bigas sa bansa.

Ayon sa opisyal , sapat ang pondo ng pamahalaan sa sektor ng pagbibigas bagamat sa kabila nito ay aminado si De Mesa na malaking hamon para sa kanila ang maabot ang target na 20.4-M metric tons rice production.

Kabilang sa mga ginagawang hakbang ng ahensya ay pagbili ng mga makabagong post-harvest facilities at pagpapatayo ng mga mahahalagang imprastraktura sa Pilipinas.

Tiniyak rin ng ahensya na makatatanggap ng tulong ang mga magsasaka partikular na ng mga subsidiya, pataba , farm inputs at binhi.