Muling magtatakda ng petsa ang Department of Agriculture (DA) sa pamamahagi ng dagdag na P2,000 ayuda sa hog raisers na naapektuhan ng sakit na African Swine fever (ASF) sa mga alagang baboy.
Ito ang inanunsyo ng DA matapos aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hirit ng ahensya na iakyat sa P5,000 ang bayad danyos sa bawat baboy na kinatay dahil sa ASF.
Kung maalala, unang namahagi ng P3,000 ayuda ang DA sa bawat hog raisers na napiliting ipa-cull ang mga alaga dahil apektado ng ASF ang kanilang lugar.
Bukod sa dagdag na bayad danyos, inanunsyo rin ng DA ang pag-apruba ng pangulo at buong gabinete sa ipinresenta nilang ASF measures sa affected areas sa Luzon.
Kabilang dito ang pagpapatupad ng lock down sa infected zones sa Bulacan at Pampanga para ma-kontrol umano ang paggalaw ng pork products.
Pati na ang paghahain ng kaso sa hog raisers at traders na mapapatunayang nagbebenta pa rin ng karne at produkto ng baboy na infected ng ASF.
Nitong Linggo nang ipa-cull ang nasa 3,000 baboy sa dalawang barangay ng San Simon, Pampanga na unang bayan na nakumpirmang tinamaan ng ASF sa naturang lalawigan.