Hindi nakikita ng Department of Agriculture (DA) ang pagtaas ng presyo ng bigas sa mga merkado sa kabila ng naging epekto ng malawakang pagbaha.
Ayon kay DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, walang dahilan upang magtaas ng presyo sa mga panindang bigas sa bansa.
Batay aniya sa monitoring ng DA, walang mga warehouse ng bigas na nabaha o napinsala sa naganap na pagbaha habang patuloy naman ang pagpasok ng mga bigas sa pamamagitan ng importasyon.
Bagamat may ilang mga palayan na naapektuhan, posible aniyang wala itong agarang epekto dahil sa nananatili rin ang mataas na stock ng bigas sa bansa.
Patuloy din aniyang maglilibot ang DA upang bantayan ang presyuhan at kabuuang kalakalan ng bigas sa mga merkado.
Sa kasalukuyan, tuloy-tuloy ang ginagawang assessment ng DA sa pamamagitan ng mga field office nito, sa naging pinsalang iniwan ng nagdaang kalamidad, kasama ang validation sa mga lumalabas na report.