Hindi pa rin natatanggap ng Department of Agriculture (DA) ang resolusyon para sa pagdedeklara ng ‘food security emergency for rice’ na siya sanang inaasahang maaanunsyo bukas.
Sa isang panayam ay kinumpirma ni DA Assistant Secretary for Special Concerns and for Official Development Assistance at Spokesperson Engr. Arnel De Mesa na wala pa sa kanilang tanggapan ang mga kaukulang papeles na mula sa National Price Coordinating Council (NPCC) ngunit muli din aniya nila itong ichecheck pagbalik ng kanilang opisina.
Ani De Mesa, posibleng magkaroon ng delay sa pagaanunsyo ng food emergency ng nasa higit dalawa hanggang tatlong araw.
Ito ay para mabigyan din ng panahon at oras ang kanilang departamento na muling aralin at reviewhin ang resolusyon.
Kapag nasuri nang mabuti ay agad naman din aniyang kikilos si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. para magbigay ng kaniyang desisyon tungkol sa pagdedeklara nito.
‘kahapon no’ng nag check ako, ‘wala pang natatanggap kami but i have to double check again doon sa office kung talagang na received o hindi pa..,’ saad ni De Mesa.
‘in-announce by the secretary parang three days ay upon receipt ng kopya ng resolusyon magkakaroon ng aksyon of DA,’ dagdag pa ng Agriculture Assistant Secretary.
Wala naman din aniyang dapat ikabahala ang publiko para sa maaaring paggalaw ng presyo ng bigas sa mga pangunahing pamilihan dahil ang pagdedeklara aniya ng food emergency for rice ay mas makakatulong na mas mapababa ang presyo ng bigas sa merkado.
Pangalawang dahilan din ay para ma-release na ng National Food Authority (NFA) ang tone-toneladang stock ng bigas sa mga warehouses nito.
‘Ang food security emergency dalawa ang pakay niyan, una matulungan bumaba yo’ng presyo ng bigas, pangalawa yo’ng stocks ng NFA mailabas at itong stocks na’to mas mababa. Inaasahan natin na lalabas sa P38 per kilo, so yo’ng volume niya is about…malaki ‘yan,’ pahayg pa ni De Mesa.
Samantala, sa naging pag-iikot naman ng ahensya dito sa Trabajo Market ay nakita ng mga opisyal ang ilang mga retailer’s ng bigas na nasa P60/kilo pa rin ang presyuhan ng bigas.
Isusulong aniya ng kanilang departamento ang renegotiation sa pagitan ng retailers at mga traders para mapanatili ang mga presyo nito sa itinalagang maximum retailed price na P58/kilo ng imported rice.