-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nag-deploy na ng karagdagang tauhan ang Department of Agriculture (DA) sa Bicol region kasabay ng mahigpit na pagmo-monitor sa galaw ng mga produktong karne ng baboy.

Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni National Meat Inspection Services (NMIS)-Bicol director Dr. Alex Templonuevo na kritikal ang papel ng rehiyon dahil isa ito sa mga dinadaanan ng meat products papasok ng Visayas at Mindanao.

Nabatid na ilang lokal na produkto gaya ng isda, karneng baboy ang dumadaan sa Matnog Port, Sorsogon.

Bukod sa augmented team, patuloy din umano ang implementasyon ng preventive measures ng regional office matapos maitala ang ilang kaso ng African Swine fever (ASF) kamakailan.

Sa ilalim ng hakbang, agad ikakansela ang shipment ng mga karneng mapapatunayan na walang kaukulang dokumento.

Umapela din si Templonuevo sa mga biyaherong may dalang karne, lalo na yung mga nakasakay sa pampublikong sasakyan gaya ng bus, na makipag-tulungan din sa inspeksyon.