Lalo pang hinigpitan ng Department of Agriculture ang pagbabantay sa probinsya ng Batangas kasunod ng paglobo ng kaso ng African swine fever (ASF) sa naturang probinsya.
Una nang sinabi ng DA na umabot sa walong mga bayan at syudad ang nakitaan ng mga panibagong kaso ng ASF sa naturang probinsya ngunit kinalaunan ay kinailangan na ring ideklara sa ilalim ng state of calamity ang bayan ng Lobo at Calatagan dahil sa pagkalat pa ng ASF.
Batay sa report ng Batangas, ang bayan ng Lobo ay nakitaan ng 8,818 baboy na namatay hanggang nitong Hulyo-31 dahil sa epekto ng naturang virus. Hindi rin nalalayo dito ang datus ng Calatagan.
Maliban sa Lobo at Calatagan, binabantayan din ng DA ang Lian, Talisay, Rosario, Lipa City, at San Juan
Ayon kay Agriculture Assistant Secretary Arnel De Mesa, ang mga naturang lugar ang nagsisilbing prayoridad sa pag-roll out ng mga bakuna kontra ASF, kasabay ng mawalakang vaccination drive ngayong buwan.
Una na ring naglatag ang local DA office ng mga checkpoints upang mapigilan ang paglabas ng mga baboy at pork products mula rito. Ang mga naturang checkpoint ay minamando ng mga pulis, lokal na pamahalaan, at militar.
Ang Batangas ay bahagi ng Calabarzon Region na nangunguna sa mga rehiyong may pinakamalaking produksyon ng karne ng baboy kung saan noong ikalawang kwarter ng 2023 ay umabot sa 53.84 thousand metric tons ang kabuuang produksyon nito.