Hinimok ng Department of Agriculture ang kamara na palawigin ang Rice Competitiveness Enhancement Fund o Rice Fund hanggang 2030 dahil sa naging positibong epekto raw nito sa industriya ng bigas sa bansa.
Ang Rice Fund ay nakapaloob sa Rice Tariffication Law na planong amyendahan ng Kamara. Ito ay mula sa tariffs na na-kokolekta sa mga imported rice ng private sector mula 2019 hanggang 2025 kung saan ginagamit para ma-modernize at mapaunlad ang rice industry ng bansa.
Ayon sa Department of Agriculture, umaabot sa P10-B ang Rice Fund na ginagamit kada taon para makapag-provide ng kalidad na punla at mapataas ang kita ng mga magsasaka. Dito rin daw kinukuha ang financial assistance na ibinibigay sa mga magsasakang mayroon lamang dalawang ektarya pababa na sinasaka.
Nagbigay naman ng suhestiyon si DA Undersecretary Christopher Morales sa Kamara na sa pag-amyenda nila ng Rice Tariffication Law ay ikonsidera ang pagdagdag ng pondo sa farm inputs at post-harvest facilities, pagpapalakas ng regulatory functions ng Bureau of Plant Industry, at iba pang areas na tinukoy ng kagawaran para mas mapalakas ang kabuhayan ng mga magsasaka.