VIGAN CITY – Hinimok ng Department of Agriculture (DA) ang mga opisyal ng mga local government units, lalo na sa Jaen, Nueva Ecija na makipagtulungan upang ma-contain at maiwasang kumalat pa ang avia flu matapos itong makumpirma sa isang barangay sa nasabing bayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na sa ngayon ay nagsasagawa na umano ang kanilang tanggapan, kasama ang LGU ng Jaen, Nueva Ecija ng disease investigation at contact-tracing upang malaman kung saan nanggaling ang impeksyon na nakapaminsala sa 12, 000 pugo na pinatay at ibinaon sa lupa noong March 14.
Aniya, nagsasagawa na rin umano sila ng surveillance sa 1-kilometer at 7-kilometer radius mula sa lugar kung saan natukoy ang kaso ng avian flu upang masigurong hindi kumalat ang sakit.
Nagpatupad na rin umano sila ng animal quarantine checkpoint upang matiyak na walang domestic live birds ang makakalipad o magtutungo sa loob ng 1-kilometer radius.
Nilinaw pa nito na hindi umano ipagbabawal ang pagbibiyahe sa mga one-day old chicks, itlog at karne ng manok ngunit tiyakin lamang na ang mga poultry farms na pinanggalingan ng mga ito ay negatibo sa Avian flu.