Hinimok ng Department of Agriculture-Bureau of Animal Industry (DA-BAI) ang mga magsasaka na agahang ireport ang mga nagkakasakit na alagang hayop.
Ito ay upang mabantayan ang posibleng hawaan at maiwasan ang outbreak.
Ginawa ni BAI National Veterinary Quarantine Services Division officer-in-charge Dr. Christian Daquigan ang apela, kasunod na rin ng unang pagpopositibo ng ilang mga kambing sa Q-fever.
Ayon kay Dr. Daquigan, hindi dapat itinatago ng mga magsasaka ang anumang nangyayari sa kanilang mga alaga. Hindi rin dapat aniya katakutan ng mga ito na sumanggyni sa mga local at provincial veterinarian.
Tiniyak ng opisyal na nakahanda ang mga eksperto na magbigay ng akmang mga tulong sa mga magsasaka, upang maiwasan ang malawakan outbreak sa mga farm.
Kasabay nito ay tiniyak din ng opisyal ang patuloy na pagbabantay sa posibilidad ng pagkalat ng Q-fever. Gayonpaman, nananatili aniyang ligtas ang mga farm at wala pang anumang report ng pagkalat nito sa mga sakahan malapit sa mga farm sa Marinduque at Pampanga kung saan unang natuklasan ang mga kaso ng Q-fever.