Hinihimok ng Department of Agriculture (DA) ang publiko na tangkilikin ang mga prutas na galing sa mga local farm kasabay ng inaasahang paglobo ng demand sa Bagong Taon.
Ayon kay Agriculture Assistant Secretary at spokesman Arnel de Mesa, ito ay upang matulungan ang mga lokal na magsasaka na maibenta ang kanilang mga produkto at samantalahin ang mataas na presyo.
Inaasahan kasi aniyang magkakaroon ng pagtaas ng presyo ng mga prutas bago ang Enero 1, 2025.
Apela ng opisyal sa mga konsyumer, sa halip na mga imported na prutas ang bilhin, piliin na lamang ang mga prutas na produkto na nanggaling sa mga local farm bilang tulong sa industriya ng pagsasaka sa bansa.
Isa nga sa mga pangunahing tradisyon ng mga Pilipino tuwing sumasapit ang Bagong Taon ay ang paghahanda ng 12 hanggang 13 bilog na prutas sa mga hapag-kainan. Pinaniniwalaang nakakapagbigay ito ng magandang kapalaran sa kabuuan ng taon.