-- Advertisements --

Nagdesisyon ang Department of Agriculture na ibenta sa halagang P38 kada kilo ang bulto ng bigas na dalawang buwan o higit pa na nakaimbak sa mga bodega ng National Food Authority (NFA).

Ayon kay DA Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., ang mga ito ay maaaring i-resale sa mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila.

Paliwanag ng kalihim na ang naturang inisyatiba ay makakatulong sa NFA para mapaluwag ang mga bodega nito bilang paghahanda sa paparating na harvest season.

Sa kasalukuyan kasi ay puno ang mga bodega ng NFA dahil na rin sa mataas na bulto ng palay na nabili sa mga lokal na magsasaka.

Ayon pa sa kalihim, inatasan na niya si NFA Administrator Larry Lacson na ipa-giling na ang mga nabiling palay para mailabas na ang mga ito sa merkado dito sa Metro Manila gamit ang mas murang presyo.

Sa pamamagitan ng naturang inisyatiba, umaasa ang kalihim na lalo pang mapapababa ang presyo ng bigas sa merkado na isa sa mga pangunahing target ng kasalukuyang administrasyon.

Kung matatandaan ay itinaas na ang buffer stock target ng Pilipinas mula sa dating 9 araw patungo sa 15 araw, dahilan upang kailanganin ang pagbili ng mas maraming bulto ng palay mula sa mga magsasaka.

Ayon kay Admin. Lacson, malaking hamon ang limitadong kapasidad ng mga bodega ng NFA para sa mas maraming bulto ng palay na bibilhin.