Kasabay ng paglulunsad ngayong araw sa murang bigas na mabibili sa halagang P29 kada kilo, ipinagdiinan ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. ang naunang panawagan na huwag itong abusuhin.
Ayon kay Laurel, mahalagang iwasan ng mga konsyumer ang pang-aabuso rito upang mapagbentahan ang lahat ng mga kwalipikadong makakabili.
Dahil sa limitado lamang ang supply, nais aniya ng DA na siguruhing ang pinakamaraming bilang ng mga mahihirap at vulnerable sector ang makikinabang.
Kahapon nang inanunsyo ng DA ang pagsisimula ng bentahan ng naturang bigas sa tatlong Kadiwa center sa Metro Manila at Bulacan.
Ito ay isasagawa tuwing Biyernes, Sabado, at Linggo mula 8AM hanggang 5PM.
Bawat konsyumer na kwalipikado ay maaaring makabili ng sampung kilo ng bigas sa loob ng isang buwan.
Kabilang sa mga kwalipikado rito ay ang mga mahihirap na sektor, mga miyembro ng 4Ps, solo parent, persons with disabilities, at senior citizen.
Pinapayuhan naman ang mga konsyumer na magdala ng pagkakakilanlan o identification card.
Maalalang unang inaprubahan ng National Food Authority Council ang pagbebenta ng mga lumang stock na bigas na nasa mga bodega nito, sa halagang P29 kada kilo. Bagaman luma, tiniyak naman ng DA na nasa maayos na kalidad pa rin ang mga naturang bigas.