-- Advertisements --

Ikinatuwa ng Department of Agriculture (DA) ang naging maayos na pagsunod ng mga retailers sa itinakdang maximum suggested retail price (MSRP) sa mga produktong baboy na siyang nagumpisa nitong Lunes.

Sa naging pagiikot ng mga opisyal ng departamento sa pamilihan sa Balintwak, kapansin-pansin na naramdaman na ang pagbaba sa mga presyo ng mga nturang produkto.

Ayon kay Agriculture Undersecretary-designated for Livestock Program Dr. Constante Palabrica, kasalukuyang nasa mga presyo ng ₱350-380/kilo ang bentahan ngayon ng mga karne ng baboy sa pamilihan ngunit may mga namamataan umano ang opisyal na mas mababa pa sa presyong ito na siyang ikinagalak ng ahensya.

Nakikita naman ng ahensya na isa itong magandang simula para sa naturang hakbangin ng departamento na mas pababain pa ang mga presyo ng mga basic commodities sa mga pamilihan.

Samantala, wala naman umanong dapat ikabahala ang publiko kung may mangilan-ilan pang pamilihan na nananatili sa ₱400/kilo o pataas pa ang mga presyo ng mga karne ng baboy dahil ani Palabrica, bababa pa ang mga presyo sa mga naturang pamilihan dahil umano sa market forces.

Paliwanag ni Palabrica, kung meron na aniyang mga pamilihan na nagbebenta ng mga naitalagang MSRP sa mga naturang produkto ay asahang bababa din ang mga presyo pa sa ibang pamilihan dahil sa susunod din aniya ang mga ito sa mga susunod na araw.

Sa ngayon naman ay hindi muna magpapatupad ng mga posibleng sanctions ang departamento sa mga mahuhuling lalabag dito. Ani Palabrica kung kaya pa munang maidaan sa mabuting usapan ay paguusapan ng mahinahon ang kanilang mga paglabag.