-- Advertisements --

Inaasahan ng Department of Agriculture na mapapanatili na sa mga merkado sa Metro Manila ang ₱58 per kilo na imported rice matapos na simulan ang pagpapatupad ng maximum suggested retail price para dito ngayong araw.

Ang naturang presyo ay para sa 5% broken na imported na bigas na mabibili naman sa mga pamilihan sa National Capital Region.

Kung maaalala ay ipinaliwanag ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na nakapaloob sa maximum suggested retail price ang ₱10 per kilo nominal profit margin sa presyo ng mga imported rice sa bansa.

Nilinaw naman ng DA na hindi kasama sa maximum suggested retail price ang mga special na bigas katulad ng malagkit, Japanese rice at maging black rice.

Magsasagawa rin ang ahensya ng buwanang review sa pagpapatupad ng maximum suggested retail price kaya’t maaari pang bumaba ang presyo ng imported rice sa mga pamilihan sa Metro Manila.

Katuwang ng DA ang DTI sa pagbabantay ng presyo ng mga imported na bigas at titiyaking lahat ng mga retailers ay tumatalima sa itinakdang maximum suggested retail price.