Binawi na ng Department of Agriculture ang import ban sa mga ibon at poultry products mula sa Michigan sa Estados Unidos.
Ito ang kinumpirma ng ahensya at sinabing ang kautusan ay naging epektibo ngayong araw ng Martes.
Bilang tugon ay naglabas ng DA Memorandum No. 47 si Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr. na naguutos sa pag-aalis ng ipinataw na ban sa mga imported poultry products mula sa naturang lugar.
Ipinagbigay alam kasi ng US veterinary authorities sa World Organisation for Animal Health na naresolba na nila ang kaso ng avian influenza o bird flu sa kanilang lugar .
Wala na rin aniya silang naitalang panibagong kaso simula noong Hulyo 12 ng taong ito.
Ipinaalala naman ng kalihim na kailangang sumunod ang lahat ng import transactions sa mga alintuntunin ng DA sa pag-aangkat ng mga agri products.