Inalis na ng Department of Agriculture ang pansamantalang pagbabawal sa pag-aangkat ng domestic birds, kabilang na ang karne ng manok, sisiw at itlog,mula sa State of Ohio, sa United States of America.
Pinirmahan na ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ang memorandum order no. 23 noong biyernes, na nagpapawalang bisa sa pansamantalang pagbabawal sa pag-aangkat na ipinatupad noong kalagitnaan ng Enero ng kasalukuyang taon dahil sa outbreak ng High Pathogenicity Avian Influenza (HPAI) sa USA.
Ang naturang import ban ay sumasaklaw sa mga domestic at wild birds, pati na rin ang ilang produkto tulad ng karne ng manok, sisiw, itlog at semen na nagmula sa naturang bansa.
Ang desisyon na wakasan na ang import ban ay basi sa official report na isinumite ng USDA Animal and Plant Health Inspection Service sa World Organization for Animal Health (WOAH).
Batay sa ulat, ang lahat ng bansa sa State of Ohio ay matagumpay na na nalutas ang mga kaso ng bird flu, at wala ng karagdagang pag-usbong ang iniulat matapos ang Abril 2.
Ang clearance mula sa US Veterinary Authorities ang nagbigay ng kinakailangang kumpiyansa para sa Kagawaran ng Pagsasaka na alisin ang pagbabawal sa pag-aangkat, na nagpapahintulot sa pagsisimula muli ng kalakalan sa mga produktong domestic at wild birds, kasama ang mga poultry products mula sa State of Ohio, USA.