Nakisuyo na ang Department of Agriculture (DA) sa iba pang mga ahensiya ng gobyerno na kumbinsihin ang publiko na kumonsumo ng karadagdang itlog para matugunan ang labis na suplay na nagresulta sa pagbagsak pa ng farm-gate price sa P4 bawat isang piraso ng itlog.
Ayon kay DA spokesperson Arnel de Mesa, patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa DSWD at sa National Nutrition Council para maipromote ang pagkain ng itlog dahil batid naman aniyang ang itlog ang pinakamurang pinagkukunan ng protina ng mga Pilipino.
Ayon naman kay Gregorio San Diego, pinuno ng Philippine Egg Board Association (Peba), ang medium-sized egg ay nagkakahalaga ng P5 hanggang P6 bawat isa habang ang maliit na itlog ay nasa P4 hanggang P5 isang piraso depende pa ito sa gastos sa transportasyon sa pagdadala ng mga ito sa merkado.
Aniya ang oversupply ngayon sa itlog ay bahagyang maiuugnay sa mababang pagkonsumo ng mga Pilipino.
Kinumpirma din ng DA official na nakakaranas ang bansa ng oversupply sa itlog dahil sa malamig na panahon sa mga nakalipas na linggo na ideal para sa pangingitlog ng mga manok.
Bagamat nakakaranas aniya ng oversupply sa egg industry, nakatuon aniya ang DA sa mga hakbangin para matugunan ang isyu sa oversupply kabilang na dito ang pagkakaroon ng storage facilities.