Bumuo si Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ng blacklisting committee para palakasin ang kampanya ng gobyerno laban sa mga walang prinsipyong manufacturer, supplier, contractor, consultant at hoarder ng mga produktong pang-agrikultura.
Naglabas si Laurel ng Special Order 11 na lumilikha ng blacklisting committee, na kasabay ng isang patuloy na pagbabago sa DA.
Aniya, sa interes ng serbisyo at upang matiyak ang wastong pagsasagawa ng mga pagsisiyasat na may kaugnayan sa paglabag sa panahon ng competitive bidding at pagpapatupad ng kontrata ng mga manufacturer, supplier, distributor, contractor at consultant isang blacklisting committee ang nilikha na magsisilbing central blacklisting body ng Department of Agriculture.
Itinalaga ni Laurel si DA legal service director Willie Ann Angsiy at procurement division chief Melinda Deyto bilang chair at vice chair ng blacklisting committee.
Idinagdag ni Laurel na sa ilalim ng Special Order no. 11, ang blacklisting committee ay naatasang suriin ang mga reklamo na pinasimulan ng bids and awards committee at i-verify ang mga batayan para sa blacklisting.
Ang komite ay mangangalap din ng mga katotohanan at ebidensya o kukuha ng testimonya upang matiyak ang katotohanan ng mga paratang sa mga reklamo.
Binigyan ni Laurel ang blacklisting committee ng 30 araw mula sa pagtanggap ng mga reklamo para maglabas ng resolusyon na naglalaman ng mga natuklasan at rekomendasyon na mga parusa para sa mga traders.