-- Advertisements --

Inilatag na ng Department of Agriculture (DA) ang tulong na ipagkakaloob sa mga magsasakang naapektuhan ng Severe Tropical Strom (STS) ‘Kristine’ at Super Typhoon (ST) ‘Leon’.

Ayon sa DA, nakahanda na ang P549.64 million na halaga ng mga agricultural inputs tulad ng binhi ng palay, abono, at gamot, para sa mga magsasaka ng Cordillera Administrative Region (CAR), III, IV-A, IV-B, V, VII, VIII, XII, at XIII.

Mayroon ding P500 million na inilaan para sa Survival and Recovery (SURE) Loan Program sa ilalim ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC) ng DA. Dito ay maaaring makautang ang mga magsasaka ng hanggang P25,000 nang walang anumang interest.

Maliban dito, nakahanda rin ang mahigit P1 billion na halaga ng Quick Response Fund (QRF) para sa rehabilitasyon at recovery sa mga lugar na naapektuhan ng dalawang magkasunod na kalamidad.

Ayon pa sa DA, kumikilos na rin ang Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) para makapagbigay ng bayad-danyos sa mga magsasakang nakapag-insure ng kanilang mga palayan.

Iniulat din ng DA na nakapagpadala na ang National Food Authority (NFA) ng kabuuang 15,697 sako ng bigas sa mga lokal na pamahalaan para maitulong sa mga biktima ng bagyo.

Sa magkasunod na bagyong ‘Marce’ at ‘Nika’, patuloy pa ang ginagawang assessment ng DA ukol sa naging epekto ng bagyo, lawak ng pinsala, at bilang ng mga magsasakang naapektuhan.