Bahagya nang bumababa ang presyo ng kamatis sa mga merkado sa National Capital Region matapos ang labis na paglobo ng presyo nito sa pagtatapos ng Bagong Taon.
Maaalalang batay sa monitoring ng DA noon ay umabot pa sa P360 ang kada kilo ng presyo ng kamatis sa ilang mga pamilihan sa NCR.
Gayunpaman, iniulat ni DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa na bagamat nananatiling mataas o ‘elevated’ pa rin ang presyo ng kamatis ay bahagya na itong bumaba kumpara sa presyuhan nito sa mga nakalipas na araw.
Mula sa dating P200 hanggang P300 o higit pa na kada kilong presyo nito sa mga nakalipas na araw, ilang mga merkado sa Metro Manila ay nag-aalok na ng mula P150 hanggang P160 kada kilo.
Una nang tinaya ng DA na pagpasok ng Pebrero o huling bahagi ng Enero ay tuluyan ding bababa ang presyo ng kamatis kasabay ng inaasahang anihan sa mga malalaking supplier nito.
Naniniwala rin ang DA na nananatiling mataas ang local production nito sa mga pangunahing producer sa buong bansa.