-- Advertisements --

Inatasan na ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang National Food Authority (NFA) na umpisahan na ang paglilipat ng kanilang mga buffer stocks sa Visayas bilang paghahanda sa launching ng P20/kilo na bigas na programa sa ilalim ng departamento.

Ayon sa kalihim, tatagal ng ilang linggo ang paglilipat ng mga stocks ng mga bigas mula sa NFA warehouses partikular na ang mga mula sa bahagi ng Mindoro patungo sa iba’t ibang bahagi sa Visayas.

Bago nito ay siniguro na ng ahensya ang clearance sa pagbebenta ng mga bigas mula sa Commission on Elections (Comelec) na bahagi ng campaign promise ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong mahalal ito noong taong 2022.

Samantala, ang mga buffer stocks na mula sa Mindoro ay ilalagay sa mga bahagi ng Visayas na mayroong limitadong produksyon ng bigas gaya ng Cebu, Negros Island, Samar at Leyte.

Suportado naman ng mga lokal na pamahalaan sa Visayas ang inisyatibong ito ng DA at handa na makibahagi sa programang ito.