-- Advertisements --

Isinusulong ng Department of Agriculture (DA) ang mga solusyong nakabatay sa pananaliksik at angkop sa kondisyon ng bawat lugar upang mapataas ang produksyon ng palay at kita ng mga magsasaka sa Visayas, dahil hindi sapat ang maraming ani kung nalulugi naman sila sa mataas na gastusin.

Sa talumpati ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na binasa ni Undersecretary Christopher Morales sa 38th Ugnay Palay National Rice Research for Development and Extension (R4DE) Conference sa Iloilo, binigyang-diin niyang dapat munang suriin kung angkop sa lupa at klima ng bansa, abot-kaya, at kapaki-pakinabang sa mga lokal na magsasaka ang mga teknolohiyang hinahango mula sa ibang bansa.

Tinukoy rin ng kalihim na ang seguridad sa bigas ay hindi nakatali sa produksyon lamang, matapos magdulot ng pagtaas sa presyo ng abono, transportasyon, at iba pang farm inputs ang pagmahal ng langis sa pandaigdigang merkado ngayong taon.

Upang masuportahan ang mga magsasaka, isinusulong ng ahensya ang value-chain approach sa ilalim ng Masagana Rice Industry Development Program na nakatuon sa climate resilience, farm clustering, agribusiness modernization, at digital transformation, kasabay ng mga proyekto sa Iloilo gaya ng modern rice-processing facility sa Dumangas at mas mataas na buying price ng National Food Authority (NFA) sa basang palay.

Hinikayat ni Tiu Laurel ang mga mananaliksik at stakeholder na subukan ang mga teknolohiya sa mismong sakahan at gawing kongkretong plano ang Visayas Rice Convergence Commitment, dahil ang tunay na sukatan ng tagumpay ay ang pag-unlad ng kabuhayan ng mga magsasaka at ang matatag na suplay ng bigas sa bansa.