Nakatakda na raw isumite ng Department of Agriculture (DA) ngayong linggo sa Malacanang ang kanilang rekomendasyon tungkol sa pagdedeklara ng nationwide state of emergency dahil sa banta ng African swine fever (ASF).
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni DA Sec. William Dar na isinasapinal na raw nila ang kanilang rekomendasyon batay sa hiwalay namang rekomendasyon ng Senado.
Ayon kay Dar, maglalaan daw ang DA ng nasa P1.1-bilyong pondo para sa repopulation program ngayong taon, kung saan P400-milyon ang gagamitin para sa pagtatayo ng mga breeder farms; P200-milyon para sa repopulation ng mga lugar na apektado ng ASF na may “sentinel” approach; at P500-milyon para sa pautang sa mga backyard raisers na may zero interest.
Kamakailan din nang maglaan ang kagawaran ng P1.5-bilyon para sa “Bantay ASF sa Barangay” o “BABay ASF.”
“We have realigned some of the money that we have placed this year for this fight against the African swine fever and repopulating the hog industry,” ani Dar.
Maliban dito, nakapag-secure na rin daw ang DA ng P15-bilyon mula sa Land Bank of the Philippines, at P12-bilyon mula sa Development Bank of the Philippines na loan program para muling buhayin ang hog industry.