Itinanggi ng Department of Agriculture (DA) ang reports kaugnay sa ilang magsasakana nagpapakamatay umano dahil sa mababang presyo ng mga palay.
Sa isang pulong balitaan ngayong Sabado, inihayag ni DA spokesperson Arnel De Mesa na nakipag-ugnayan ang ahensiya sa National Bureau of Investigation (NBI) para imbestigahan ang naturang posts sa social media, at napatunayan na hindi ito totoo.
Una rito, base sa report na lumabas noong Marso 18 mula sa Manila Times Newspaper base sa impormasyon mula kay Magsasaka Party-list chairman Argel Joseph Cabatbat na mayroon umanong 3 magsasaka sa Nueva Ecija ang nagpakamatay dahil sa pagbaba ng farmgate price ng palay sa P15 kada kilo o mas mababa pa.
Subalit ayon kay De Mesa, nananatiling stable ang presyo ng mga palay sa P24 kada kilo habang ang fresh at wet palay ay nasa P18 kada kilo.
Binigyang diin ng DA official na ang pagpapakalat ng ganitong balita ay isang uri ng disinformation at pangalawa ay may epekto ito sa ating kababayan.
Base naman sa monitoring data ng Philippine Statistics Authority (PSA) na inilabas ngayong buwan, ang average farmgate price ng dry palay sa Central Luzon kung nasaan ang Nueva Ecija ay nasa P19.46 kada kilo noong Pebrero.