Ikinatuwa ng pamunuan ng Department of Agriculture ang naging hakbang ng Philippine Competition Commission sa paghahain ng kaukulang kaso laban sa mga nagsasamantalang traders at negosyante ng sibuyas sa bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na ito ay nagsilbi sanang babala sa lahat ng mga negosyanteng gahaman at mapagsamantala.
Tiniyak rin nito na mananagot sa batas ang mga mapapatunayang gumagawa ng mga ganitong uri ng gawain.
Ang paghahain ng kaso ng Philippine Competition Commission ay bilang tugon sa direktiba ni PBBM na habulin ang mga mapanlamang na negosyante at traders ng mga agri products.
Batay sa datos , aabot sa 12 kumpanya ang kinasuhan ng ahensya ng paglabag sa Philippine Competition Act na may kinalaman sa kanilang pag-angkat at pag trade ng produktong sibuyas.
Matapos kasi ang isinagawang imbestigasyon ng ahensya, lumalabas na may naganap na sabwatan upang makakuha ng sanitary at phytosanitary import clearances ang mga ito.
Mahaharap na ito sa kasong legal ngayon at ipinag-uutos na magbayad ng multang P2.4 bilyon.