-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Agriculture (DA) na walang nagkansela o nagback-out sa mga lokal na pamahalaang nagpakita ng interes sa pagbili ng bigas mula sa buffer stock ng National Food Authority (NFA).

Sa isang pulong balitaan na ginanap sa mismong opisina ng departamento, kumpirmado na nasa higit kumulang 10,000 sako pa lamang ang na-i-release ng NFA sa mga LGU’s para sa public consumption nito.

Ani DA Assistant Secretary for Special Concerns and Official Development Assistance at Spokesperson Engr. Arnel De Mesa, mayroong commitment na marelease ang nasa higit 59,000 na sako ng mga bigas ngunit wala pa sa halos kalahati ang narelease ng ahensya.

Paliwanag ni De Mesa, maaaring ongoing pa ang ilang transaction ng mga LGU’s na maaaring maging dahilan kung bakit matatagalan ang pagbili ng mga ito lalo na kung may iba pang gastusin at limitasyon pa ang mga naturang tanggapan.

Ito ngayon ang nakikitang problema ng tagapagsalita dahil wala naman aniya silang kontrol sa mga lokal na pamahalaan.

Aniya, sa kabila ng mababang presyo ng mga bigas at mababang presyo ng pagbili nito ay nakikita pa din na nananatiling limitado pa rin ang mga bumibiling LGU’s mula sa buffer stock ng NFA.

Batay din sa datos na ipinadala ng NFA sa kanilang tanggapan, wala namang naitalang mga LGU’s na nagback out sa pagbili ng mga bigas at nadagdagan din ang mga bumili nito gaya ng San Juan, Navotas, Camarines Sur at maging ang Cotabato.

Sa ngayon ay puspusan na rin ang ginagawang mga aksyon ng departamento para mas mapabilis ang pagrerelease ng NFA ng kanilang buffer stock lalo na ang patuloy na pagaaral ng ahensya sa Rice Tarrification Law na balak maamyendahan sa lalong madaling panahon.