Naniniwala ang pamunuan ng Department of Agriculture na hindi na muling tataas pa ang presyo ng bigas sa mga pamilihan sa bansa.
Sinabi ito ng ahensya sa kabila ng mataas na rice inflation sa Pilipinas batay na rin sa ulat ng PSA.
Sa isang pahayag, sinabi ni DA Spokesperson Asec. Arnel de Mesa, mababa ang pinanggalingang presyo o baseline noong nakaraang taon.
Ito ang dahilan aniya kung bakit lumalabas na mataas ang rice inflation hanggang nitong Pebrero ng kasalukuyang taon.
Binanggit din ng opisyal ang mga external factors na nakakaapekto sa industriya ng bigas sa bansa.
Sa kabila nito ay tiniyak ni de Mesa na walang dapat ikabahala ang publiko.
Patuloy kasi aniya ang pagsisikap ng ahensya para masiguro at mapanatiling stable ang presyuhan nito.
Pinalalakas rin ng ahensya ang lokal na produksyon ng bigas upang makahatak ng mas mababang presyo nito sa mga merkado.